Huwebes, Enero 24, 2013

Banyaga


BANYAGA
Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon - kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap. 

At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok 

Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong. 
"Serbesa ba 'kama, bata ka, ha?" 

Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang paliwanag. "Hindi masama'ng amoy, Nana." 
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya. 
"Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!" at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale. 

Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-
toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso. 

"Sino kaya'ng magmamana sa mga pamangkin mo?" tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. "Ang panganay sana ng Kua mo...matalino..." 
"Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa 'kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila...ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang...noon...kung natakot ako sa iyakan..." Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib. 

"Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka..." ayon ni Nana Ibang. 
"Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba 'ko sa timpalak na 'yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?" Malinaw sa isip ang nakaraan. 
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang batok. "Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?" 

"Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba'y gano'n dito?" at napangiti siya. "Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika..." 
"Naiinip ka na ba/" agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi. 
"Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila." 
"Ano? K-kahit gabi?" 

Napatawa si Fely. "Kung sa Amerika...nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba 'kong wala sa Pilipinas? Ang totoo..." 
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina. 

Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya. 

"Ayan naman ang kubyertos...pilak 'yan!" hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. " 'Yan ang uwi mo...noon...hindi nga namin ginagamit..." 
Napatawa siya. "Kinikutsara ba naman ang alimango?" 
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. 
Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana'y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi...hindi ka darating...
Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya - ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. 
Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.
Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong. 
"Sa kotse n," ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: 
Baka ako masilat...baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang. 

"Ako nga si Duardo!" 
Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo. 
"Bakit hindi ka rito?" tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. "May presidente ba ng samahan na ganyan?" 

"A...e..." Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. 'A-alangan...na 'ata..." 
Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos. 
"Natutuwa kami at nagpaunlak ka..." walang anu-ano'y sabi ni Duardo, "Dalawampu't dalawang taon na..." 


"Huwag mo nang sasabihin ang taon!" biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. "Tumatanda ako." 

"Hindi ka nagbabago,' sabi ni Duardo. "Parang mas...mas...bata ka ngayon. Sayang...hindi ka makikita ni Menang..." 

"Menang?" napaangat ang likod ni Fely. 

"Kaklase natin...sa apat na grado," paliwanag ni Duardo. "Kami ang..." at napahagikhik ito. "Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim...' 

"Congratulations!" pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan. 

"Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon," patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo. "Ibang-iba kaysa...noon..." 

"Piho nga," patianod niya. "Hindi naman kasi 'ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa 'kong nagmamadali..." 

"Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita..." 

Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin. 

At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.

Pinagkuhanan:http://tl.answers.com/Q/Banyaga_ni_Liwayway_Arceo
Repleksyon:
Ito ay patungkol sa babaing nagngangalang Fely na naging Banyaga sa sarili nyang bayan.
Matagal na kasi syang hindi nakakabisita sa lugar na iyon, malaki na ang pinagbago nya. Kitang-kita ito sa pananamit nya at pagsasalita. Kung ituring sya ng kanyang lola at iba pang kamag anak ay parang amo.
Maganda ang aral na nakuha ko dito. Pinatunayan na ang mga babae ay nagtatagumpay din sa buhay at sumasang ayon ako sa paniniwala nyang kung nagpadala sya sa iyakan ng kanyang mga magulang ay hindi sya makakapagtapos at makakapunta sa Amerika.Kung may gusto tayong marating ay dapat magsakripisyo at huwag magpadala sa ating emosyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento